Kaninang umaga pagsakay ko sa jeep, nag-abot ako ng fifty peso bill. Ang tigas nga ng ulo ko kasi dapat magbayad ng barya sa umaga. E nagkataon ito ang smallest bill sa wallet ko, so wala akong choice kundi ibayad ito.
Ang mamang drayber naman ay naghanap ng mapapapalitan ng aking fifty pesos na bayad. Sumubok sya dun sa isang kapwa drayber, pero wala rin syang maipapalit. Hanggang nung malapit na akong bumaba, inabutan ako ng isang ale ng seven fifty (P7.50) para ipambayad sa drayber. Nasabi ko sa sarili ko na napakabuti naman ng aleng ito. Kinuha ko ang seven fifty sa ale, nagpasalamat, at inabot ito sa drayber. Bago ako bumaba nagpasalamat ako muli sa ale. Iniisip ko na minsan makakabawi din ako.
Dahil sa nangyaring ito naalala ko ang kaibigan ko. Minsan meron ding nagbayad ng kanyang pamasahe sa jeep dahil wala syang barya. At minsan din nagkaroon sya ng pagkakataon na makapagbayad din ng pamasahe ng isang tao na wala ring baryang pambayad sa jeep.
Nakakatuwa ang pagpapasa ng kabutihan sa mga pangyayaring ito. At naipasa na rin sya sa akin. :)
Nang sumakay muli ako ng jeep nakasabay ko naman ang isang opismeyt. Sinabi ko sa kanya na ililibre ko na sya ng pamasahe. At kinwento ko ang pangyayari bago kami nagtagpo. Sabi naman nya sa akin na pag may nakasabay sya, ililibre rin nya sya ng pamasahe :)
Nakakatuwa naman na ang mga simpleng Acts of Kindness na ito ay umiikot. Sana marami pang mga pangyayaring ganito nang gumanda at pumayapa ang ating mundo...
===
first posted Oct. 10, 2006
No comments:
Post a Comment